Kabanata V Isang Bituin sa Gabing Madilim

Umakyat si Ibarra sa kanyang kuwarto na nakaharap sa ilog at pabagsak na naupo sa isang silyon, tinitingnan ang espasyong lumalawak sa harap niya dahil sa bukas na bintana.

Ang bahay sa kabila, sa kabilang pampang, ay maliwanag na maliwanag at umaabot hanggang sa kanya ang masasayang tugtog ng mga instrumento, karamihan ay de-kuwerdas. Kung hindi sana gaanong balisa ang binata, kung mas mausisa sana siya at ginustong tingnan sa tulong ng isang largabista ang mga pangyayari sa gitna ng liwanag na iyon, namangha sana siya sa isang kakaibang pangitain, isang mahiwagang paglitaw na kung minsan ay nakikita sa malalaking teatro sa Europa, kung saan sa gitna ng mga mahinang tugtugin ng orkestra, lumilitaw sa gitna ng isang ulan ng liwanag, ng isang talon ng mga diamante at ginto, sa isang oriental na dekorasyon, na nababalot ng manipis na gasa, isang diyosa, isang silpida na lumalakad na parang hindi tumatapak sa lupa, na napalilibutan ng maliwanag na nimbo [liwanag na nakapalibot]: sa kanyang pagdating, namumulaklak ang mga bulaklak, sumisigla ang sayawan, nagigising ang mga himig, at mga koro ng mga diyablo, nimpa, satiro, mga espiritu, dalagang pastol, anghel, at pastol ay sumasayaw, nagpapatunog ng pandereta, gumagawa ng sari-saring galaw, at inilalagay ng bawat isa sa paanan ng diyosa ang kanyang handog. Nakita sana ni Ibarra ang isang napakaganda at balingkinitang dalaga, nakasuot ng pitoreskong kasuotan ng mga anak ng Pilipinas, nasa gitna ng isang kalahating bilog na binubuo ng lahat ng uri ng mga tao, na naggegestikulo at kumikilos nang may sigla: mayroon doon mga Tsino, Espanyol, Pilipino, sundalo, pari, matatandang babae, kabataan, atbp. Si Padre Dámaso ay nasa tabi ng dilag na iyon; si Padre Dámaso ay nakangiting parang isang pinagpala; si Fray Sibyla, si Fray Sibyla mismo, ay nakikipag-usap sa kanya, at si Doña Victorina ay nag-aayos sa magarbong buhok ng dalaga ng isang tuhog ng mga perlas at brilyante na kumikislap sa napakagandang mga kulay ng prisma. Siya ay maputi, masyadong maputi marahil; ang kanyang mga mata, na halos palaging nakaibaba, ay nagpapakita ng napakalinis na kaluluwa kapag ito'y itinaas, at kapag siya ay ngumiti at nagpakita ng kanyang mapuputi at maliliit na ngipin, maaaring sabihin na ang isang rosas ay isa lamang halaman, at ang garing, isang pangil lamang ng elepante. Sa pagitan ng naaaninag na habi ng piña1 at sa paligid ng kanyang maputi at magandang hubog na leeg, nagkikisapan, tulad ng sinasabi ng mga Tagalog, ang masasayang mata ng isang kuwintas ng mga brilyante. May isa lamang na lalaki na waring hindi naaapektuhan ng kanyang maliwanag na impluwensiya, kung maaaring sabihin nang ganoon: ito ay isang batang Pransiskano, payat, hapis, maputla, na nakatitig sa kanya nang hindi kumikilos mula sa malayo, na parang isang estatwa, halos walang hininga.

Ngunit hindi nakikita ni Ibarra ang anuman sa mga ito: iba ang nakikita ng kanyang mga mata. Apat na hubad at maruruming pader ang kumukulong sa isang maliit na espasyo; sa isa sa mga iyon, sa itaas, mayroong rehas; sa marumi at nakapandidiring sahig, isang banig, at sa banig, isang matandang nanghihingalo: ang matanda, na nahihirapang huminga, ibinabaling ang tingin sa lahat ng dako at umiiyak na may sinasambit na pangalan; ang matanda ay nag-iisa; paminsan-minsan maririnig ang ingay ng isang kadena o daing mula sa kabila ng pader... at pagkatapos, sa malayo, isang masayang piging, halos isang pagwawalwal, isang binatang tumatawa, sumisigaw, nagbubuhos ng alak sa mga bulaklak sa gitna ng palakpakan at lasing na halakhak ng iba. At ang mukha ng matanda ay katulad ng kanyang ama, ang binata ay katulad niya, at ang pangalang sinasambit nito habang umiiyak ay ang kanyang pangalan!

Ito ang nakikita ng kaawa-awa sa harap niya. Namatay ang ilaw sa bahay sa kabila, tumigil ang musika at ingay, ngunit naririnig pa rin ni Ibarra ang nahahapis na sigaw ng kanyang ama, na hinahanap ang kanyang anak sa kanyang huling oras.

Inihihip na ng katahimikan ang hungkag nitong hininga sa Maynila, at tila ba ang lahat ay natutulog na sa mga yakap ng kawalan; naririnig ang awit ng tandang na nakikipagsalitan sa mga orasan ng mga tore at ng malungkot na sigaw-babala ng naiinip na bantay; ang isang piraso ng buwan ay unti-unting lumilitaw; lahat ay tila nagpapahinga; oo, pati si Ibarra ay natutulog na rin, marahil pagod sa kanyang malalungkot na mga iniisip o sa biyahe.

Ngunit ang batang Pransiskano, na kamakailan lang nating nakitang hindi gumagalaw at tahimik sa gitna ng kasiyahan sa sala, ay hindi natutulog: nagpupuyat siya. Nakasandal ang kanyang siko sa pasamano ng bintana ng kanyang selda, ang maputla at hapis na mukha ay nakapatong sa palad ng kanyang kamay, tahimik siyang nakatanaw sa malayo, sa isang bituing kumikislap sa madilim na kalangitan. Ang bituin ay unti-unting namutla at naglaho, ang buwan ay nawalan na ng mga natitirang liwanag ng buwang papaliit; ngunit hindi gumalaw ang prayle mula sa kanyang puwesto: patuloy siyang tumitingin sa malayong abot-tanaw na naglalaho sa hamog ng umaga, patungo sa parang ng Bagumbayan, patungo sa dagat na natutulog pa.

Mga Talababa

  1. Ang tela na gawa sa hibla ng pinya ng Amerika (Bromelia Ananas).

    ↩